Basta ikaw, nanginginig pa.
Nag-away kami kanina, gaya ng laging nangyayari, siya na 'yong mali, siya pa 'yong hindi ka papansinin. Hindi tuloy ako nakapagsabing wala nang toyo at suka para sa uulamin sana naming adobong manok. Habang nag-iisip ako kung anong gagawin dahil tinatamad akong lumabas ng bahay, may naisip akong paraan upang siya ang kusang lumapit sa akin. Dahil hindi na posible ang adobo, nagprito na lang ako ng manok, at walang ibang natitirang sawsawan bukod sa bote ng catsup. Kaya ang ginawa ko, gamit ang buong lakas, isinara ko nang mabuti ang takip– ngayon pa lang ay natatawa na ako sa kung paano siya mamaya. Matapos magluto, pagalit ko siyang tinawag para sabihing kakain na. Kahit kasi magkagalit kami ay sabay pa rin kaming kakain. Pigil na pigil ang aking ngiti at tawa habang buong puwersa niyang iniikot ang hindi gumagalaw na takip ng catsup. Iniabot ko ang aking kamay, tinitigan ko siya sa mata na para bang literal kong sinasabing "tulungan na kita, Mahal ko, mukhang hirap na hirap ka na." Nabuksan ang bote ng sawsawan, at hindi ko napigilang ngumiti, na para bang nanalo ako sa kanya. "Sinadya mo, ano?" tanong niya habang nagpipigil din ng kanyang tawa. "Walang anuman, Mahal ko, basta ikaw, nanginginig pa," sagot ko habang natatawa sa kanyang itsura.