KAPE? ANO TARA???
Hindi ko maalala kung anong oras eksaktong nagsimula ang lahat pero malinaw sa akin ang pakiramdam ko noong araw na iyon. Pagod ako. Hindi lang basta pagod mula sa trabaho kundi yung uri ng pagod na kumakapit sa isip at katawan. Yung kahit anong pahinga ang gawin mo parang may kulang pa rin. Kaya tulad ng madalas kong gawin, dumaan ako sa isang mall sa Maynila para magpalipas ng oras bago umuwi. Mas madali kasi mag-isa sa lugar na maraming tao dahil kahit paano hindi mo ramdam ang lungkot. Karaniwan lang ang lahat. Maliwanag ang ilaw, maingay ang paligid, puno ng mga taong abala sa sarili nilang mundo. Naglalakad lang ako nang walang direksyon hanggang sa may tumawag sa pangalan ko. “Uy, ikaw ba yan?” Paglingon ko, agad kong nakilala kung sino ang nagsalita. Hindi ko na kailangan mag-isip pa. Kilala ko yung mukha, yung boses, at yung ngiti na bahagyang nakatagilid. Ilang taon na rin mula noong huli ko siyang makita pero may mga tao talagang hindi mo makakalimutan kahit hindi kayo madalas mag-usap. “Grabe, ikaw nga Lea!” sabi ko habang napapangiti na rin. Lumapit siya at nagyakapan kami. Sandali lang pero sapat para maramdaman ko yung kakaibang saya. Yung pakiramdam na parang may piraso ng probinsya na biglang lumitaw sa gitna ng Maynila. “Tagal na,” sabi niya. “Oo nga. Nandito ka na rin pala?” Tumango siya. “Matagal na rin.” Hindi ko napansin agad pero may kakaibang tono ang sagot niya. Parang may lalim na hindi ko maipaliwanag. Pero hindi ko iyon pinansin. Mas nangingibabaw ang saya na may nakita akong kakilala mula sa pinanggalingan ko. Nagkumustahan kami. Simpleng tanong at simpleng sagot pero ramdam ko na pareho naming gustong pahabain ang sandaling iyon. Kaya ako na rin ang nag-aya. “Kape tayo? Ano tara?” Ngumiti siya at agad na tumango. “Sige.” Pumasok kami sa isang café sa loob ng mall. Hindi ganoon karami ang tao kaya mas tahimik kumpara sa labas. Malamig ang hangin at may amoy ng bagong timplang kape. Pumila kami sa counter at umorder. Kinausap siya ng barista at sumagot naman siya nang maayos. Walang kakaiba sa eksenang iyon. Umupo kami sa may sulok, katabi ng salamin kung saan tanaw ang pagdaan ng mga tao. Doon nagsimula ang mahabang usapan namin. Nagsimula sa mga alaala. Mga kaklase namin noon, mga guro, mga kalokohan sa eskwelahan. Tumatawa kami na parang walang nagbago kahit ang totoo ay matagal na kaming hindi nagkikita. Habang tumatagal ang usapan, unti-unting nagiging mas malalim ang mga tanong niya. “Happy ka naman ba ngayon?” tanong niya. Hindi ko agad inaasahan kaya napaisip ako sandali bago sumagot. “Oo naman. Ikaw?” Ngumiti siya pero hindi agad nagsalita. May kung anong lungkot sa mata niya na hindi ko maipaliwanag. “Minsan kasi akala natin marami pa tayong oras,” sabi niya nang mahina. May kakaibang pakiramdam na dumaan sa akin. Parang may malamig na hangin kahit hindi naman bukas ang pinto. Pero tinawanan ko na lang para hindi maging mabigat ang usapan. Napansin ko rin habang tumatagal na hindi niya hinahawakan ang cellphone niya. Nakatabi lang ang bag niya at hindi niya ginagalaw. Yung kape niya nasa harap lang pero hindi niya iniinom. Ako lang ang umiinom habang siya ay nakatingin lang sa akin at nakikinig. Hindi ko iyon pinansin dahil ayokong sirain ang sandali. Sa dami ng araw na pare-pareho, bihira lang ang ganitong pagkakataon na may kausap kang tunay na nakakakilala sa pinanggalingan mo. Nagpatuloy ang usapan namin hanggang sa napunta sa trabaho at sa buhay namin sa Maynila. Kapag tinatanong ko siya tungkol sa sarili niya, laging kulang ang sagot. “Anong trabaho mo ngayon?” tanong ko. Ngumiti siya. “Iba iba.” Hindi ko na pinilit pang magtanong. Sa halip ay ako na lang ang nagkuwento tungkol sa sarili ko. Siya naman ay tahimik na nakikinig na parang mahalaga ang bawat salitang sinasabi ko. May mga tanong pa siya na hindi ko inaasahan. “Kung may babaguhin ka sa nakaraan, ano iyon?” “May pinagsisisihan ka ba?” Hindi ko alam kung bakit sinasagot ko lahat. Parang may kung anong nagtutulak sa akin na maging totoo. Habang tumatagal, parang ako na lang ang nagsasalita at siya ay nakikinig lang. Hindi ko namalayan ang oras. Parang bumagal ang takbo ng mundo sa loob ng café. Hanggang sa napansin ko na kailangan ko na palang umalis. “Late na pala,” sabi ko. “Kailangan ko na umuwi.” Tumango siya agad na parang alam na niya. “Okay lang,” sagot niya. Tumayo kami at lumabas ng café. Paglabas namin ay bumalik ang ingay ng mall. Mas maliwanag at mas mabilis ang galaw ng mga tao. Huminto siya sa gitna. “Mauna na ako,” sabi niya. “Sige,” sagot ko. Ngumiti siya at tumingin sa akin. “Salamat,” sabi niya. “Sa alin?” “Sa oras.” Tumalikod siya at naglakad papunta sa gitna ng mga tao. Ilang segundo lang ang lumipas at nawala siya sa paningin ko. Hindi ko na siya hinabol kahit na may kakaibang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. Lumipas ang mga buwan at naging alaala na lang ang gabing iyon. Isang simpleng pagkikita na nagbigay ng saya sa isang karaniwang araw. Hanggang sa isang gabi, habang nakikipag-usap ako sa isa naming kakilala, nabanggit ko siya. “Naalala mo ba si Lea? Nagkita kami tas nagkape pa kami.” Biglang natahimik ang kausap ko. “Anong ibig mong sabihin?” tanong niya. Binanggit ko ang pangalan niya. Napatingin siya sa akin na parang may gustong sabihin pero nagdadalawang isip. “Hindi mo ba alam?” sabi niya. “Alam ang alin?” sagot ko. Huminga siya nang malalim bago nagsalita. “Patay na siya. Two years na.” Parang hindi ko agad naintindihan ang narinig ko. Para bang may mali. “Huh? Baliw hindi pwede. Magkasama kami. Nagkape pa nga kam,” sabi ko. Pero habang pinipilit kong ipaliwanag, may mga alaala na bumabalik sa isip ko. Yung hindi niya pag-inom ng kape. Yung mga tanong niya. Yung paraan ng pagtingin niya sa akin. Unti unti, nagkakabit kabit ang lahat. Kinabukasan, bumalik ako sa mall. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko kailangan kong bumalik doon. Pumasok ako sa parehong café at umupo sa parehong pwesto. Tinawag ko ang barista. “Naalala niyo ba na may kasama akong babae dito ilang buwan na ang nakaraan?” tanong ko. Nag-isip siya sandali. “Oo sir. Dalawa po kayo nun,” sagot niya. “Naalala niyo ba yung mukha niya?” tanong ko ulit. Umiling siya. “Hindi ko na maalala pero alam ko pong may kausap kayo.” Pag-alis ko, napatingin ako sa salamin kung saan kami nakaupo noon. Doon ko nakita ang isang repleksyon sa likod ko. Isang babae na nakatayo at nakatingin sa akin. Hindi ako gumalaw. Ngumiti siya. Yung parehong ngiti na hindi ko makakalimutan. Paglingon ko, wala na siya. Pero ramdam ko pa rin ang presensya niya. Malapit. Tahimik. Parang may gustong sabihin. At doon ko naintindihan ang lahat. Yung gabing iyon ay hindi basta pagkikita lang. May dahilan kung bakit siya nagpakita. May dahilan kung bakit kinausap niya ako. At may dahilan kung bakit hindi pa siya tuluyang nawawala. Mula noon, hindi na ako komportable sa mga lugar na matao. Sa bawat mukha na nakikita ko, hindi ko na sigurado kung sino ang tunay na buhay at kung sino ang alaala na lang na pansamantalang bumalik. Dahil minsan, sa gitna ng ingay at ilaw ng lungsod, may makakatabi kang uminom ng kape na hindi na pala kabilang sa mundong ito.