May kashare kami sa kwarto at hindi siya tao
High school ako noon nang unang beses akong makaranas ng sleep paralysis. Hindi ko alam kung ano iyon sa simula. Ang alam ko lang, nagising ako pero hindi ako makagalaw. Parang nakapako ang buong katawan ko sa higaan. Gising ang mata ko, pero wala akong kontrol sa sarili ko. Tahimik ang kwarto, pero mabigat ang hangin. Nasa bunk bed ako noon, sa taas ako natutulog. Madilim ang paligid pero may sapat na liwanag mula sa labas ng bintana para makita ko ang mga anino. Doon ko siya nakita. May babae sa paanan ng kama ko. Nakasuot siya ng itim na damit. Hindi siya gumagalaw. Nakatingin lang siya sa akin. Hindi ko makita nang malinaw ang mukha niya pero alam kong nakatingin siya diretso sa akin. Yung klase ng tingin na alam mong ikaw lang ang tinitingnan sa buong mundo. Sinubukan kong gumalaw. Sinubukan kong sumigaw. Hindi ako makasigaw at hindi rin ako makagalaw. Parang estatwa ako na nakahiga, nakatitig lang sa kanya habang unti-unting bumibigat ang dibdib ko sa takot. Ang tanging nagawa ko ay manalangin sa isip ko. Hanggang sa unti-unti siyang naglaho. Hindi biglaan. Hindi rin malinaw kung paano. Basta na lang nawala. Pagkatapos noon, hindi ko na alam kung nanaginip ba ako o gising talaga. Akala ko tapos na doon. Pero hindi pala. May kakaibang nangyari sa bahay namin pagkatapos noon. Napansin ko ang kapatid ko. Araw-araw siyang nagpupuyat. Gabi-gabi. Halos hindi natutulog hanggang alas kuwatro ng umaga. Tapos gigising kami ng alas singko y medya para pumasok sa school. Palaging pagod, palaging inaantok, palaging napapagalitan. Akala namin simpleng puyat lang. Akala namin gadgets lang. Hanggang sa isang araw, umamin siya. May babae raw sa kwarto niya. Nakatayo sa paanan ng kama. Hindi gumagalaw. Tahimik lang. Nakatingin. Pareho kami ng sinabi. Pareho kami ng description. Itim na damit. Nakatayo sa paanan ng kama. Doon na kami kinilabutan. Dahil ibig sabihin, hindi pala panaginip lang yung sa akin. At hindi lang siya nag-iisa. May “isang bagay” na pareho naming nakikita. Pero ang mas tumatak sa akin ay ang sumunod. Isang gabi, mas malala. Hindi lang siya nakatayo sa paanan ng kama. Kundi tumabi siya sa akin. Ramdam ko ang bigat ng kama na parang may umupo o humiga sa tabi ko. Bago ko pa ma-process ang nangyayari, naramdaman ko na may yumakap sa akin. Mahigpit. Sobrang higpit na hindi ako makagalaw. Sinubukan kong sumigaw pero wala pa rin akong boses. Parang may kamay na pumipigil sa boses ko mismo. At doon ko siya narinig nang malinaw. Isang lalaki. Sa mismong tenga ko. Tumawa siya. Mahina muna, parang nanunukso. Tapos mas lumakas. At saka siya nagsalita. “Who is your God?” Parang nagyeyelo ang buong katawan ko. Pero alam ko sa sarili ko na hindi ako pwedeng sumuko sa takot. Naalala ko yung sinabi ng teacher namin dati. Kapag natatakot ka, magdasal ka. Kaya sa isip ko, sinimulan ko. “I believe in God…” Lalong lumakas ang tawa niya. Parang mas na-enjoy niya ang takot ko. Tumawa lang sya nang malakas pero hindi ako tumigil magdasal. Habang paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko ang prayer, ramdam ko na unti-unting humihina yung higpit ng yakap sa akin. Hindi siya biglang nawala, pero bumitaw siya dahan-dahan. Hanggang sa nabitawan niya ako. Tumakbo ako. Hindi ko na inisip kung paano ako bumaba ng bunk bed. Basta ang alam ko lang, tumatakbo ako palabas ng kwarto. Pagmulat ko ng mas malinaw ang paligid, nasa kusina na ako. Nakaupo. Humahabol ang hininga. Malamig ang katawan. Walang nakasunod sa akin. Pagkatapos noon, hindi ko na siya nakita ulit. Pero hindi ko rin makalimutan. Dahil hanggang ngayon, may isang tanong pa rin na hindi ko masagot. Kung panaginip lang iyon, bakit kami dalawa ng kapatid ko ang nakakita? At kung hindi panaginip… ilang beses na pala siyang nakatayo sa paanan ng kama namin bago pa namin siya mapansin?