MAY UMIIYAK
Ikukwento ko na lang ito the way I actually remember it, kasi mas ganun siya tumatatak. Hindi siya dramatic habang nangyayari. Mas normal pa nga, hanggang sa hindi na. Nagtatrabaho ako noon sa isang department store sa Laguna. Office staff ako, so nasa maliit lang akong office malapit sa employees’ area. Sa labas ng pinto namin may guard na naka-duty, tapos katabi lang talaga namin yung common CR at lockers. Maliit lang yung space, parang isang corner na magkakadikit lahat. Kaya kahit may konting ingay, maririnig mo agad. Bandang hapon iyon, hindi naman busy. Yung tipong sakto lang yung tao sa floor, walang rush. Nasa office lang ako, nag-aayos ng mga papeles. Medyo inaantok ako so umupo lang ako sandali. Hindi ako totally nakatulog, pero napapikit ako for a bit. Hindi ko alam kung gaano katagal, pero nagising ako sa katok. Mahina lang, pero malinaw. Pagbukas ko ng pinto, yung lady guard yung nasa labas. Kita mo agad na may kakaiba sa kanya kasi hindi siya usually ganun. Tinanong niya ako kung may naririnig ba ako. Sabi ko wala, kasi sa totoo lang wala naman akong narinig habang nasa loob ako. Sabi niya may umiiyak daw sa CR. Medyo nagtaka ako kasi kung may umiiyak talaga, dapat narinig ko na rin. Lumabas ako para icheck. Paglapit ko sa CR, doon ko na narinig. May umiiyak nga. Hindi siya yung simpleng iyak lang. Yung tunog niya parang pagod na pagod na, tuloy-tuloy lang, walang tigil. Ang weird lang kasi kahit ang lakas na ng iyak, parang walang ibang nakakapansin. Tinanong ko yung guard kung may pumasok ba. Sabi niya wala daw siyang napansin. Doon na ako medyo kinabahan, pero syempre iniisip ko baka may pumasok lang na hindi niya nakita. Yung pinto ng CR nakaawang lang, hindi sarado. Tinulak ko para buksan nang buo. Pagtingin ko sa loob, walang tao. Walang kahit anong sign na may tao. Pero yung iyak, tuloy pa rin. Mas malakas pa nga habang nakatayo kami doon. Nagtinginan kami ng guard, tapos sabi ko baka nasa lockers. May maliit kasing space doon na pwedeng tambayan. Pumunta siya para tingnan. Naiwan ako sa may CR, nakatayo lang, nakikinig. Habang nandun ako, napansin ko na may mali. Yung iyak parang hindi na galing sa loob ng CR. Hindi ko agad ma-pinpoint kung saan, pero parang gumagalaw siya. Parang mas lumalapit sa pwesto ko. Hindi siya yung tunog na nakafix lang sa isang lugar. Tinawag ko yung guard para sigurado, tapos sumagot siya mula sa dulo na wala daw tao. Sakto nun, biglang tumigil yung iyak. Hindi siya unti-unting humina. Bigla lang siyang nawala. Parang pinatay. Doon ako medyo napahinga, akala ko tapos na. Yung guard bumalik na papunta sa akin. Normal na sana ulit yung pakiramdam. Tapos may naramdaman ako sa kaliwang tenga ko. Malamig, parang may hangin na dumaan pero mas concentrated. Hindi ko pa napoprocess kung ano yun, may narinig akong tawa. Mahina lang, pero sobrang lapit. As in parang sa mismong tenga ko nanggaling. Hindi siya yung tawang normal. Hindi rin malakas. Pero alam mong hindi dapat marinig. Yung tipo na maririnig mo lang pag may mali talaga. Hindi ako nakagalaw agad. Parang nag-freeze lang ako for a few seconds. Paglingon ko, wala naman. Yung guard nasa ilang hakbang lang sa harap ko, papalapit pa nga. Tinanong niya ako kung okay lang ako. Hindi ako agad nakasagot kasi hindi ko rin alam paano i-explain yung nangyari. Ang pinaka tumatak sa akin hindi lang yung iyak. Kasi pwede mo pa yun i-rationalize somehow. Pero yung tawa, iba. Kasi doon ko na-realize na yung narinig namin na iyak, hindi siya galing sa CR in the first place. Parang may gumagalaw na hindi mo nakikita. At nung tumigil siya, hindi ibig sabihin nawala siya. Lumapit lang siya sa kung sino yung gusto niyang lapitan.