Missed
Alam ni Donna na may mali, pero hindi niya agad maipaliwanag kung bakit. Nakatayo siya sa loob ng apartment niya, nakaharap sa pinto, hawak ang susi, pero hindi niya maalala kung kakauwi lang ba niya o paalis pa lang. Parang may putol sa pagitan ng mga sandali. Parang may nawawalang parte na hindi niya mahawakan kahit anong pilit niya. Parang may kulang. Napailing siya at napabuntong-hininga. Siguro pagod lang. Gabi na rin. Uulan na. Kinuha niya ang payong at lumabas. Pagbukas niya ng pinto, sinalubong siya ng malamig na hangin at amoy ng basang semento. Yung tipong alam mong kakasimula pa lang ng ulan pero ramdam mo na agad yung bigat niya sa paligid. Tahimik ang hallway, walang tao, parang lahat nakatago sa kani-kanilang unit. Habang naglalakad siya pababa ng hagdan, may kung anong pakiramdam na bumabalik sa kanyang alaala, hindi nya rin sigurado kung alaala nga ba o ginagawa lang ito ng isip nya. Parang may nangyari na dito dati, sa parehong oras, sa parehong gabi. Ipinagwalang bahala nya na lamang ito. Paglabas niya sa kalsada, sumalubong sa kanya ang mga patak ng ulan. Yung tipong hindi ka agad mababasa nang todo pero hindi rin tumitigil. Kumakapit sa buhok, sa balat, sa damit. Tahimik ang paligid. Ilang sasakyan lang ang dumadaan. Normal ang lahat. Pero habang papalapit siya sa tawiran, bumagal ang lakad niya. May mali. Hindi niya alam kung ano, pero parang may hinihintay siyang mangyari. Tumigil siya sa gilid ng kalsada. Tumingin sya sa kaliwa at sa kanan. Walang sasakyan. Alam niyang walang mangyayaring masama kung tatawid man sya ngayon pero hindi sya gumalaw. May kung anong bumubulong sa loob niya na huwag muna. Napa-kunot ang noo niya. “Ano ba,” bulong niya sa sarili. Huminga siya nang malalim at humakbang. At sa mismong sandaling iyon, may kung anong pumasok sa isip nya. Isang mabilis na alaala, sobrang liwanag na ilaw ang sobrang lapit sa kaniya. Napatigil sya. Kasabay ng pagdaan ng isang sasakyan sa harap niya, mabilis, halos dumampi sa dulo ng sapatos niya. Napaatras siya at natumba sa gilid ng kalsada. “Shit,” mahina niyang sabi, nanginginig ang kamay. Hindi niya alam kung paano niya nalaman na mangyayari yun. Pero alam niya. Alam na alam niya. “Hindi dapat ganito,” bulong niya. At doon niya narinig ang boses. “Hindi talaga.” Napalingon siya. May lalaking nakatayo ilang hakbang lang ang layo, basang-basa rin sa ulan. Hindi siya gumalaw agad. Nakatingin lang, parang matagal na siyang nandun. “Dapat mamatay ka na." sagot ng lalaki.