mixed veggies or mixed signals
Akala ko dati marunong akong magbasa ng tao. Akala ko kapag palagi kang hinahanap, may ibig sabihin. Kapag unang sayo lumalapit pag may problema, kapag ikaw yung tinatawagan sa madaling araw para magpatulong, kapag ikaw yung pinagsasabihan ng mga bagay na hindi niya masabi sa iba, akala mo special ka. Akala mo may puwang ka. Siya yung tipo ng babae na hindi naman sobrang lambing, pero marunong magbigay ng atensyon sa tamang oras. Yung tipong isang simpleng “ingat ka” galing sa kanya, kaya mong dalhin buong linggo. Tapos ako naman tong tanga, bawat maliit na bagay nilalagyan ng kahulugan. Nagsimula sa simpleng favor. Hatid dito. Samahan doon. Tulong sa requirements. Minsan pagkain kasi hindi pa siya kumakain. Minsan ako na rin nagkukusa kahit hindi hinihingi. At dahil ginagawa ko lahat nang kusa, hindi ko napansin na unti-unti na pala akong nauubos. Ang hirap pala kapag mixed signals yung klase ng pagmamahal na natatanggap mo. Kasi hindi ka naman talaga pinaasa nang direkta. Wala naman siyang sinabing gusto ka niya. Pero wala rin siyang ginawang malinaw para tumigil ka. May mga gabi na magka-chat kami hanggang madaling araw. May mga araw na parang ako yung pinakaimportanteng tao sa buhay niya. Tapos biglang may mga linggo na parang hindi ka kilala. Tapos kapag nasanay ka nang wala siya, babalik na naman. Tatawa. Mangangamusta. Hihingi ng tulong. At syempre ikaw, si tanga, lalapit ulit. Hanggang dumating yung araw na may ikinukwento na siyang lalaki. Noong una, hindi ko pinansin. Akala ko phase lang. Akala ko lilipas din kasi kitang-kita ko naman yung red flags nung lalaki. May sabit na nga, may dalawang panganay pa sa magkaibang babae, tapos wala pang maayos na direksyon sa buhay. Lahat ng bagay na alam mong iiwasan mo kung mahal mo sarili mo. Pero siya… nahulog pa rin. At doon ko unang naramdaman yung klase ng sakit na hindi mo maipaliwanag kasi wala ka namang karapatan masaktan. Hindi naging kami. Wala naman siyang ipinangako. Pero bakit parang ako yung naiwan? Naalala ko pa nung isang beses na kailangan niya ng tulong. Ako na naman yung tinawagan niya. Habang umiiyak siya dahil sa lalaking paulit-ulit siyang sinasaktan, ako naman tong tahimik lang sa kabilang linya, pilit kinakalimutan na matagal ko nang gustong ako naman yung piliin. Pero hindi eh. Doon ko narealize na minsan hindi sapat na mabait ka. Hindi sapat na nandiyan ka lagi. Hindi sapat na willing kang ibigay lahat. Kasi may mga tao talagang hindi ka mamahalin the way you hoped they would. At ang masakit pa, habang ginagawa mo lahat para mapasaya sila, hindi mo namamalayang ginagamit ka nalang pala nila bilang pahinga. Convenience. Safe place kapag wasak sila. Pero kapag okay na ulit sila, hindi ka na kailangan. Ang tagal kong sinisi sarili ko noon. Iniisip ko baka kulang ako. Baka kung mas naging expressive ako. Mas pogi. Mas successful. Mas exciting. Pero habang tumatagal, naisip ko… hindi naman talaga ako natalo. Mali lang yung taong pinaglaban ko sa isip ko. Kasi ang totoong pagmamahal hindi ka iiwan sa confusion araw-araw. Hindi ka pagpapakaisipin kung may chance ba o wala. Hindi ka gagawing option habang ikaw ginagawa silang mundo mo. Ngayon, kapag naaalala ko siya, hindi na yung kilig yung bumabalik. Kundi yung pagod. Yung version ng sarili ko na sobrang willing magmahal kahit kapalit nun, sarili na niya yung nawawala. At siguro yun yung pinakamahalagang natutunan ko. Hindi lahat ng mixed signals worth intindihin. Minsan, mixed signals are already the answer.