PUPPY LOVE
Magkababata kami. Tipong sabay lang tumatakbo sa kalsada, sabay nababasa sa ulan, sabay pinapagalitan kasi ang ingay namin lagi. Wala naman akong alam sa love noon. Basta ang alam ko, gusto ko lang lagi siyang kasama. Siya yung una kong hinahanap pag lalabas ako. Siya rin yung huling kausap ko bago ako umuwi. Minsan nag-aaway kami sa maliliit na bagay, pero after ilang minuto, bati na ulit. Ganun lang kasimple. Hanggang sa dumating yung araw na sinabi niya na lilipat na sila ng bahay. Hindi ko agad na-gets kung gaano kabigat yun. Akala ko parang usual lang na “see you tomorrow.” Pero hindi na pala. Naalala ko pa, huling araw niya sa amin. Naglaro lang kami tulad ng dati, pero parang ang tahimik niya. Binigyan niya ako ng maliit na bagay, sabi niya para maalala ko daw siya. Ngumiti lang ako, hindi ko alam kung anong sasabihin. Hindi ko pa alam kung bakit parang ang bigat sa dibdib ko. Pag-alis niya, saka ko lang naramdaman. Biglang ang tahimik ng lugar na dati naming pinaglalaruan. Wala na yung tatawag sa pangalan ko, wala na yung kakulitan niya. Doon ko na-realize na miss ko na siya, na may something pala doon na hindi ko ma-explain. Lumipas ang panahon, lumaki kami, nagbago ang lahat. Pero minsan, pag naaalala ko yung mga araw na yun, napapangiti pa rin ako. Siya yung una kong “gusto,” kahit hindi ko pa alam kung ano talaga yun noon. Siguro ganun talaga ang puppy love. Simple, walang pressure, walang expectations. Pero kahit ganoon lang, may parte sa’yo na hindi nakakalimot. At hanggang ngayon, dala ko pa rin yung alaala namin. Yung unang beses na may taong naging espesyal sa akin, kahit hindi namin kailanman sinabi.