quarter life crisis
Hindi ko alam kung kailan nagsimula yung pakiramdam na parang nahuhuli na ako sa buhay. Dati, ang simple lang ng goals ko. Makapagtapos. Makahanap ng trabaho. Kumita. Maging “stable.” Yun yung version ko ng success. Yun yung sinasabi ng lahat na dapat mong ma-achieve. Ngayon, nandito na ako. May trabaho. May sweldo. May routine. Pero bakit parang wala pa rin? Gigising ako, papasok, gagawin yung kailangan gawin, uuwi, kakain, matutulog. Tapos uulit ulit kinabukasan. Wala namang mali. In fact, ito nga yung gusto ko dati. Pero bakit parang pagod na pagod ako kahit wala naman akong ginagawang kakaiba? Minsan napapaisip ako kung ito na ba talaga yun. Ito na ba yung buhay na pinaghirapan ko? Kasi kung oo, bakit parang hindi ako masaya? Ang hirap din kasi ngayon, hindi ka pwedeng hindi magkumpara. Kahit ayaw mo, makikita mo pa rin. May ka-batch ka na may sariling business na. May isa na nasa abroad. May isa engaged na. Yung iba may kotse, may bahay, parang ang bilis ng takbo nila. Tapos ikaw, nandito ka pa rin. Hindi ka naman walang ginagawa. Pero parang hindi sapat. May mga gabi na hindi ako makatulog kasi iniisip ko kung may mali ba sa ginagawa ko. Kung dapat ba may iba akong ginagawa. Kung may na-miss ba akong opportunity. Kung dapat ba mas aggressive ako. Mas risk taker. Mas “something.” Pero the truth is, hindi ko alam kung anong direction yung gusto ko. Yun yung pinaka nakakapressure. Hindi dahil may deadline. Kundi dahil wala. Walang clear na path. Walang nagsasabi kung tama pa ba tong ginagawa ko o sayang lang yung oras ko. Walang checkpoint na magsasabi na “okay ka pa, tuloy mo lang.” Minsan gusto ko na lang huminto. Magpahinga. Pero kahit magpahinga ka, hindi rin naman nawawala yung pressure. Nandun lang siya sa likod ng isip mo. Parang may boses na paulit-ulit na nagsasabi na “dapat mas malayo ka na.” Ang hirap din aminin na minsan naiinggit ka. Kahit ayaw mo. Kahit masaya ka para sa kanila, may maliit na part sa’yo na nagtatanong kung kailan naman ikaw. Tapos may moments din na naiisip ko, baka ako yung problema. Baka ako yung kulang. Baka hindi lang talaga ako ganun kagaling. Baka hanggang dito lang talaga ako. Pero ayoko naman maniwala doon. Kasi may part pa rin sa’kin na umaasa na may mangyayari pa. Na hindi pa tapos. Na hindi ito yung final version ng buhay ko. Hindi ko lang alam kung kailan magsisimula yung part na yun. Sa ngayon, ginagawa ko lang kung anong kaya ko. Gumigising pa rin ako. Pumapasok pa rin. Sumusubok pa rin. Kahit minsan pakiramdam ko paikot-ikot lang. Siguro ganito talaga yung phase na ‘to. Yung hindi ka lost, pero hindi ka rin sure kung nasaan ka. At siguro okay lang yun. Kasi kahit hindi ko pa alam kung nasaan ako, alam ko na gumagalaw pa rin ako. At baka, kahit mabagal, nakakarating pa rin ako kung saan ako dapat mapunta.