Si White Shirt Guy Talaga Ang Totoong Crush Ko
May mga crush talagang hindi mo inaamin kahit kanino kasi mas masaya silang itago kaysa gawing totoo. Ganun ako sa kanya noon. Hindi siya yung tipo na poging-pogi agad pagpasok pa lang sa room. Pero ewan ko ba, tuwing pumapasok siya na naka-white shirt, parang automatic gumagaan mood ko. Simpleng white shirt lang naman yun, minsan may tiklop pa nga yung manggas, minsan gusot dahil galing commute, pero sa mata ko dati parang siya yung pinaka-okay tingnan sa buong office. Siguro dahil bagay sa kanya yung pagiging simple. Matalino siya. Yung tipo ng taong ang sarap lang pakinggan kapag nagsasalita kasi may sense lagi. Pero hindi siya boring. Makulit din siya in a quiet way. Mahilig mang-asar nang lowkey tapos tatawa lang mag-isa kapag napikon ka. Hindi siya loud, pero ramdam mo presence niya. Hindi rin kami super close. Sakto lang. Magka-workmates na nagkakausap kapag may dahilan. Pero syempre ako, bawat maliit na interaction nilalagyan ko ng meaning. Naalala ko pa yung outing namin sa Pansol. Yun yung first time na nakita ko siya outside work, naka-tsinelas lang, relaxed, walang office setup. Mas nakakakilig pala siya kapag ordinaryo lang. Nagkaroon ng kantahan nung gabi. Typical company outing. May hawak na mic yung kung sinu-sino tapos kanya-kanyang request. Tapos bigla niya akong tinawag. “Kantahin mo nga yung Pagdating ng Panahon.” Ewan ko ba kung bakit hanggang ngayon tanda ko pa rin yung exact moment na yun. Parang ang bagal ng lahat. Yung ingay sa paligid naging mahina. Tapos ako, pilit ina-acting normal kahit halos marinig ko na tibok ng puso ko. Kinanta ko naman. Siyempre kunwari chill lang. Pero deep inside, kinikilig ako nang sobra kasi bakit yun pa yung nirequest niya? After nun wala naman nang special na nangyari. Hindi kami nagkaaminan. Hindi naging “kami.” At alam ko rin na may girlfriend siya that time kaya hanggang tingin lang talaga ako mula sa malayo. Ang mas nakakatawa pa, mali yung hinala ng mga ka-department ko noon. May isa kasing guy from another department na lagi nilang inaasar sakin. Akala nila yun yung crush ko. Pinagpipilitan pa nila minsan kapag nakikita kaming magkausap. Ngumingiti lang ako lagi. Kasi hindi nila alam, habang tinutukso nila ako sa ibang tao, si white shirt guy talaga yung dahilan bakit ako excited pumasok araw-araw. Lumipas din lahat eventually. Lumipat ako ng trabaho. Naging busy sa kanya-kanyang buhay. Ngayon, minsan nalang kami magkita during reunions with former workmates, siguro once a year nalang kung swertihin. At sa totoo lang, wala na rin yatang girlfriend ngayon. Pero funny enough, wala na rin yung dating urge na umamin o gawing complicated lahat. Mas okay na siguro yung ganito. Yung may isang taong naging favorite mong “what if” sa phase ng buhay mo. At hanggang ngayon, everytime may lalaking naka-white shirt, may maliit na parte sakin na bumabalik doon sa lumang office, sa simpleng araw na ang pinaka-aabangan ko lang… yung makita siyang pumasok sa pinto.