Yung Lalaking Palaging Nagbubukas ng Pinto Para Sakin
Hindi ko alam kung assuming lang ba talaga ako o sadyang may mga tao lang talagang naturally gentle. Pero kasi bakit sa dami ng tao sa office, siya yung paulit-ulit kong napapansin? Nagsimula lang naman sa simpleng pagbubukas ng pinto. Yung tipong magkakasalubong kami sa main door tapos hihintayin niya muna ako bago siya pumasok. Minsan sa pantry. Minsan sa lobby. Minsan kahit ang layo ko pa, hahawakan niya yung pinto hanggang makarating ako. Siyempre una wala lang yun sakin. Gentleman lang siguro. Marami namang ganung lalaki. Pero habang tumatagal, napapansin kong parang lagi nalang siyang sumusulpot sa araw ko. May times pa na binabagalan ko na talaga yung lakad ko kasi nahihiya akong paghintayin siya. Iniisip ko baka napipilitan lang. Pero hindi eh. Nakatayo lang siya doon, hawak yung pinto, parang normal lang sakanya yung maghintay. At ewan ko ba kung bakit ang lakas ng tama sakin nun. Hindi naman kami close. Wala ngang actual conversation aside sa mahihinang “thank you” ko at maliit niyang ngiti na parang walang effort pero nakakagulo ng araw ko. Hindi rin kami magka-department. Hindi kami nag-uusap online. Literal na office strangers lang kami na laging nagkakasalubong. Pero minsan talaga, sapat na pala yung maliliit na gestures para may mabuo kang kung ano sa isip mo. Dumating pa sa point na ina-adjust ko lunch ko para hindi kami magsabay. Hindi dahil ayoko siyang makita. Kabaliktaran nga eh. Natatakot akong masanay. Kasi ang hirap kapag inaabangan mo na yung simpleng bagay. Yung tipong parte na ng araw mo yung makita siyang may hawak na pinto habang papalapit ka. Tapos isang araw biglang hindi mangyari. Pakiramdam mo may kulang kahit wala naman talagang dapat iexpect. Nakakatawa nga minsan kasi ilang beses ko nang sinubukang kumbinsihin sarili ko na normal lang lahat. Pero bakit tuwing makikita ko siya sa lobby, parang automatic nagiging aware ako sa sarili ko? Aayusin ko buhok ko. Tatayo nang maayos. Titingin saglit tapos iiwas din agad. Tapos siya… ngingiti lang nang konti. At ayun na naman ako. Minsan iniisip ko baka ganito nagsisimula yung mga office crush na ayaw mong aminin kahit kanino. Yung walang malalim na interaction pero somehow, sila yung nagiging favorite mong part ng ordinaryong araw. Wala naman talagang nangyari samin. Pero hanggang ngayon, kapag may lalaking nagbubukas ng pinto para sakin, siya agad naaalala ko. Yung simpleng kindness niya na hindi niya siguro alam, ilang buwan ding nagpabilis ng tibok ng puso ko.