Yung Office Crush na Hindi Ko Inamin
Noong first day ko sa trabaho, ang dami kong iniisip. Kung magiging okay ba ako sa bagong environment. Kung makakasundo ko ba mga katrabaho ko. Kung gaano katagal bago ako masanay sa pakiramdam na baguhan ka ulit sa isang lugar kung saan lahat parang may sarili nang grupo at routine. Tahimik lang ako during orientation. Nakikinig kunwari, pero paminsan-minsan lumilipad isip ko sa kung anu-anong worries. Tapos doon ko siya napansin. Nasa ilang upuan lang siya mula sakin noon. Naka-neutral colors lang, malinis tingnan, tahimik din. Hindi siya yung tipo ng lalaking kailangang mag-ingay para mapansin. Pero ewan ko ba, may mga tao talagang unang tingin mo palang, parang may kung anong humihila sa attention mo pabalik sakanila. At nakakainis kasi eksaktong tipo ko siya. Naalala ko pa, habang nagsasalita yung HR sa harap, may part ng utak ko na humihiling ng sobrang babaw. “Sana makita ko pa siya ulit.” Hindi ko naman akalaing didinggin pala yung hiling na yun. Pagkalipas ng ilang linggo, may research paper na ipinagawa samin sa work. Medyo malaking project siya kaya kailangan ng partner. Busy akong nagbabasa ng emails noon nang makita ko pangalan niya katabi ng pangalan ko. Parang tanga, pero ngumiti talaga ako mag-isa sa harap ng laptop ko. Noong una, puro trabaho lang usapan namin. Formal. Diretso. Pero habang tumatagal, humahaba yung conversations namin nang hindi namamalayan. Minsan magsisimula sa research hanggang mapupunta sa music. Minsan simpleng tanong lang tungkol sa pagkain, tapos biglang aabot na kami sa life goals at mga bagay na kinakatakutan namin. Doon ko narealize na mas delikado pala kapag hindi lang mukha yung gusto mo sa tao. Kapag gusto mo rin yung paraan ng pag-iisip niya. May mga tao kasing ang dali mong makasama pero bihira mong makaconnect nang totoo. Siya yung kabaliktaran. Kahit tahimik lang kami minsan habang nagtatrabaho, hindi awkward. Kahit sabay lang kami maglakad papuntang meeting room, may comfort. Hanggang sa dumating yung mga work trips. Doon siguro ako pinaka-nahulog. Yung mga gabing pareho kayong pagod pero sabay pa rin kakain pagkatapos ng meetings. Yung mahabang biyahe na kung saan anu-ano nalang napagkukwentuhan niyo habang nakatulala sa bintana. Yung simpleng pag-abot niya ng kape kasi alam niyang hindi ako functional without caffeine. Maliit na bagay. Pero doon naman nagsisimula lahat eh. May isang gabi pa nga na magkatabi lang kami sa labas ng hotel pagkatapos ng event. Tahimik yung paligid. Pagod na yung buong araw. Tapos habang nagsasalita siya tungkol sa future plans niya, bigla ko nalang naisip “Pwede ko nang sabihin ngayon.” Pakiramdam ko noon konting lakas nalang ng loob, aamin na ako. Pero hindi ko ginawa. Hindi dahil takot akong mareject. Kundi dahil natakot akong mawala siya. Kasi habang tumatagal, mas nagiging mahalaga sakin yung friendship namin kaysa sa posibilidad ng kung ano pa man. Ayokong dumating sa punto na iiwasan niya ako dahil lang nagbago yung tingin ko sakanya. At siguro mabuti na rin yun. Dahil habang lumilipas yung panahon, may nangyaring hindi ko ineexpect. Unti-unting nawala yung crush ko sakanya. Hindi dramatic. Hindi isang umaga bigla nalang wala. Dahan-dahan lang. Hanggang sa isang araw, narealize kong mas nangingibabaw na yung comfort kaysa kilig. Mas importante na sakin yung presence niya bilang kaibigan kaysa sa fantasy na maging kami. At honestly, ang ganda pala nung ganung klaseng connection. Hanggang ngayon close pa rin kami. Nagkikita after work minsan. Nagkakamustahan tungkol sa buhay. Nagrereklamo sa trabaho. Nagtatawanan sa mga bagay na kami lang nakakaintindi. At sa lahat ng taong nakilala ko sa trabaho, siya pa rin siguro yung isa sa pinakapaborito kong dumating. Hindi dahil naging love story kami. Kundi dahil minsan sa buhay ko, may taong dumating na akala ko simpleng crush lang… pero naging totoong kaibigan pala.